Kumpiyansa ang liderato ng National Grid Corporation of the PHilippines (NGCP) na hindi maapektuhan ang kanilang prangkisa kasunod ng mga isyu na ipinupukol sa kumpanya.
Ayon kay NGCP Assistant Vice President and Public Relations Head Cynthia Alabanza na umaasa sila na mabigyan sila ng sapat na panahon at pagkakataon para ipaliwanag ang kanilang mga nagawa simula ng kanilang itake over ang kumpanya nuong 2009.
Giit ni Alabanza mahigpit na kinukunsidera ng kumpanya sa national security interest ng bansa.
Pinawi din ng NGCP ang pangamba ng ilang mambabatas na may banta sa seguridad ang pagkakaroon ng foreign nationals sa kanilang kumpanya.
Maging ang sinasasabing ‘one button’ na maaaring gamitin para pabagsakin o putulin ang power grid ng bansa.
Ayon kay Alabanza, maraming pagkakataon na sila nag-imbita ng mga opisyal ng pamahalaan para ipakita at ipasilip ang sistema ng NGCP para patunayan na ito ay secure.
Giit pa niya, lahat ng mga engineers na nagpapatakbo sa sistema ay mga Pilipino at ang presensya ng foreign technical partner ay naka-ayon lamang sa kanilang investment.
Paliwanag ni Alabanza, matagal na nilang pinapaliwanag at madami nang pagkakataon na mag show and tell ang NGCP.
Dagdag pa ni Alabanza na hindi konektado ang sistema ng NGCP sa internet o third party service.
Mayroon din aniya mahigpit na security protocols na sisiguro na hindi basta-basta mapapasok ang mga secure areas.
Binigyang-diin ni Alabanza na ang NGCP ay walang kontrol sa labas ng sistema.
Ibig sabihin hindi nakakabit sa internet ang NGCP, at hindi sila dumidipende sa third party service providers.
Giit ni Albanza mayruon silang sariling sistema na hindi nakasalalay sa worldwide web or sa internet service provider at ang mga engineers ay mga Filipino.
Kamakailan lang din aniya ay nagkaroon sila ng kasunduan sa National Intelligence Coordinating Agency kung saan mayroon silang opisina sa loob ng NGCP upang ma-monitor at mabantayan ang pasilidad ng NGCP.
Pagbabahagi pa ni Alabanza na humingi ang NICA ng opisina sa NGCP ng sa gayon kanilang mamonitor ang aktibidad at nagsagawa din ang mga ito ng inspection sa kanilang facilities.