Tiniyak ng National Grid Corporation of the Philippines na mas bibilisan pa nito ang pagtapos sa kanilang mga major transmission projects sa bansa.
Ito ay bilang tugon sa naging panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naging talumpati nito sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address kahapon.
Sa isang pahayag ay sinabi ng naturang korporasyon na bilang tugon sa pangulo ay tatapusin nito sa lalong madaling panahon ang full completion sa Mindanao-Visayas Interconnection at gayundin ang Stage 3 ng Cebu-Negros-Panay project.
Kaugnay nito ay sinabi rin nito na sa ikatlong bahagi ng taong 2023 ay inaasahan nang magiging fully energized hanggang sa 450 megawatts ang Mindanao-Visayas Interconnection Project.
Samantala, bukod dito ay patuloy naman ang panawagan ng NGCP sa lahat ng mga lokal na pamahalaan na magbigay ng kaukulang suporta pagdating sa pag a-apruba sa lahat ng mga kinakailangang permit at assistance sa pagpapatuloy ng kanilang mga proyekto.