-- Advertisements --

Nagdeploy na ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng mga linemen para magsagawa ng restoration activities sa mga lugar sa Northern Luzon na nasiraan at nawalan ng supply ng kuryente dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Nika’.

Ayon sa NGCP, naibalik na ang supply ng kuryente sa ilang lugar na madaling ma-access at hindi gaanong naapektuhan sa pananalasa ng bagyo habang sa ibang mga lugar na nagtamo ng labis na pinsala ay nagpapatuloy pa ang ginagawang operasyon.

Kabilang sa mga transmission line na naibalik na ay ang Santiago-Cauayan 69kV line.

Nananatili namang hindi available ang Santiago-Aglipay 69kV Line habang ang Santiago-Batal 69kV Line ay partially energized na.

Ang mga ito ay nakaka-apekto sa supply ng kuryente sa mga bayan sa probinsya ng Quirino at Isabela, dalawang probinsiya na dinaanan ng nasabing bagyo.

Nakikipag-ugnayan na rin ang NGCP sa mga distribution utility/electric cooperative na may direktang supervission sa local power distribution.