-- Advertisements --

Nanindigan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na estado pa rin ang may kontrol sa power grid ng bansa matapos lumutang ang ulat na minamandohan ito ng China.

Ayon sa NGCP, malaking porsyento pa rin sa ownership ng korporasyon ay pag-aari ng Pilipinas.

Kabuuang 60-percent umano ito na pinaghahatian ng Monte Oro Grid Corporation at Calaca High Power Corporation.

Samantalang 40-percent ang stake ng State Grid Corporation of China (SGCC) na ipinasok sa kasunduan noong 2009.

Paliwanag ng NGCP nagsisilbing techincal adviser lang ng consortium ang kompanya mula China pero Pilipinas pa rin ang nago-operate rito.

“SGCC serves only as the technical adviser of the consortium, but the management and the control of NGCP, including its Systems Operation, are exclusively exercised by Filipinos,” ayon sa NGCP.

Ang Supervisory Control and Data Acquisition (SCADA) o sistema na kumo-kontrol sa grid ay mina-mando umano ng mga Pinoy technical experts.

Hindi raw agad nagkaka-access dito ang remote users.

Iginiit ni NGCP spokesperson Cynthia Perez-Alabanza na walang basehan ang ulat na may posibilidad na i-shutdown ng China ang power grid ng bansa.

Una ng nanawagan si Sen. Risa Hontiveros ng imbestigasyon hinggil sa issue.

“We need to know for certain if our energy systems and infrastructure fully remain under Filipino control and if we have implemented the technical safeguards needed to prevent foreign interference in or sabotage of our national electricity grid,” ayon sa senadora.

Sagot naman ng NGCP, bukas sila na ipasilip ang kanilang mga pasilidad sa mga mambabatas.