Ibinunyag ng isang non-government organization (NGO) ang datos ng mga paglabag umano sa karapatan ng mga menor de edad ng mga ahensya sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Batay sa report ng Children’s Rehabilitation Center (CRC) lumabas na mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2018, siyam na bata ang napatay ng militar sa Mindanao, kung saan anim sa mga ito ang nasawi sa gitna ng batas militar.
May 16 kaso din umano silang naitala ng “false branding” mula sa Armed Forces of the Philippines matapos daw pasukuin ng mga ito ang mga bata bilang miyembro ng New People’s Army (NPA).
Bukod dito, mayroon din daw 21 kaso ng “frustrated killings,” pagdukot, torture at panununog.
“Marami pa pong biktima ng frustrated killing na makakatiyak tayo na hindi sila simpleng. ‘Yung sinasabi nila na collateral damage kung hindi talagang pakay na manakot at pumaslang kung kaya sila nagiging biktima ng paglabag sa karapatang pantao,” ani CRC officer in charge Frances Bondoc.
“Kung titingnan po natin, ganito po ‘yung characteristics ng martial law. Hindi po ito kaiba sa kasalukuyan. ‘Yung martial law po noong panahon ni Marcos ay ganitong ganito rin naman po ‘yung nangyayari ngayon sa Mindanao,” dagdag pa nito.