TACLOBAN CITY – Nakahanda na ang National Housing Authority (NHA) Regional Office 8 para sa pagpapatayo ng permanent housing project para sa mga biktima ng malawakang landslides sa bahagi ng Baybay City at Abuyog, Leyte sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Agaton.
Una nito, dahil sa halos ma-wipe-out ng landslides ang ilang mga barangay sa nasabing mga lugar, wala nang babalikang mga tirahan ang mga biktima na sa ngayon ay nananatili pa rin sa mga evacuation centers at ospital.
Ayon kay Engr. Constancio Antiniero, Regional Manager ng NHA 8, sa ngayon ay patuloy ang kanilang pakipag-ugnayan sa Office of Civil Defense (OCD) Regional Office 8 upang matukoy ang kabuuang bilang ng mga pamilya na magiging benepisaryo o mabibigyan ng pabahay.
Sa ngayon rin ay mayroon nang identified sites ang Abuyog at Baybay City na pagtatayuan ng nasabing housing project pero kailangan pa itong suriin ng DENR, MGB at PHIVOLCS upang masigurong ligtas ang mga ito para sa mga landslide victims.
Habang hinihintay pa ang nasabing permanent relocation para sa mga survivors, bibigyan ang mga ito ng temporaryo housing ng OCD at LGUs.