Siniguro ni NHA General Manager Joeben Tai ang pagpapabilis sa pagkakakumpleto sa lahat ng mga bahay sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Project (YPHP).
Ang naturang proyekto ay binuo para sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda noong 2013.
Una rito ay ipinag-utos ng opisyal ang inspeksyon sa lahat ng mga pabahay na nasa ilalim ng programa sa mga probinsya ng Aklan at Antique.
Ang naturang inspeksyon ay upang matukoy ang mga kinakailangan pang baguhin at upang matugunan ang mga pangangailangan para mas madali nang matapos at maipagkaloob sa mga benepisyaryo sa lalong madaling panahon.
Maalalang una na ring ipinag-utos ni PBBM na pabilisin ang konstruksyon ng mga housing project upang maibigay na sa mga benepisyaryo.
Maalalang noong tumama ang supertyphoon Yolanda sa Kabisayaan mahigit isang dekada na ang nakakalipas ay naitala ang hanggang sa 5,600 na kataong namatay, habang umabot naman sa 1,700 ang nawawala.
Naitala rin ang hanggang sa 26,000 na kataong nasugatan, at libo-libong nawalan ng tahanan dahil sa lakas ng bagyo.