Nasa halos 120,00 indibidwal na kasalukuyang nananatili sa Metro Manila ang naghayag ng kanilang kagustuhang makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan sa oras na magbalik na ang Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program.
Ayon kay Marcelino Escalada Jr., general manager ng National Housing Authority (NHA), ilang mga local government units (LGUs) na rin ang nagsabi sa kanila na handa silang tanggapin ng mga residente nilang manggagaling mula Metro Manila.
Kabilang aniya sa mga ito ang Leyte; Camarines Sur; Lanao del Norte; Zamboanga del Norte; Isabela; at Davao del Norte.
Sa Lanao del Norte, tinukoy ang bayan ng Kauswagan bilang isa sa mga “Balik Probinsiya-Bagong Pagasa” community, kung saan nagpapatuloy ang pagtayo sa 100 housing units.
“Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa will not impose developments on these provinces but sila mismo ang mag-identify kung ano ang gusto nilang mangyari sa probinsya nila, provided that once in place na lahat, they should be ready to accept their own constituents in time,” wika ni Escalada.
Matatandaang sinuspinde ng national government ang implementasyon ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program noong Hunyo upang bigyang-daan ang pagpapauwi sa mga stranded na indibidwal sa Metro Manila na makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.