Doble kayod ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa kanilang paghahanda para sa fifth centenary celebration ng bansa sa pagkakapanalo ni Lapu-Lapu sa Battle of Mactan noong Abril 27, 1521.
Sa kanyang talumpati sa paggunita ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani nitong umaga, sinabi ni NHCP chairman Rene Escalante na noong nakaraang taon pa nila sinimulan ang kanilang preparasyon para rito.
Nais daw nilang gawing maka-Pilipino ang pagdiriwang nito sa pamamagitan nang pagtitiyak na sentro ng atensyon si Lapu-Lapu at hindi ang mananakop na si Magellan.
Bukod kay Lapu-Lapu, ang kauna-unahang bayani ng Pilipinas, itatampok din sa selebrasyon iba pang bayaning Pilipino na hindi nabibigyan ng sapat na atensyon mula sa mga European at Asian historians.
Noong nakaraang taon, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakakalimutan na si Lapu-Lapu sa mga pahina ng kasaysayan.
Kaya ayon kay Escalante, ang kanilang ginagawang paghahanda ay magsisilbi ring platform para itaas kamalayan tungkol kay Lapu-Lapu bilang isang “matapang, magiting at makabayan” na bayaning Pilipino.
Sinabi ni Escalante na highlight sa selebrasyon ang mga positibong kaugalian ng mga Pilipino: ang pagkakaisa, kadakilaan, at pagkakakilanlan.
Samantala, ngayong National Heroes Day ay binigyang pugay ni Escalante ang mga bayaning Pilipino tulad ng mga nagtanggol sa Pilipinas noong ikalawang digmaang pandaigdig.