Nagpasaklolo na ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa Department of Budget and Management (DBM) para mabilis na mapondohan ang pagsasa-ayos ng mga simbahang nasira ng 6.1 magnitude na lindol.
Ayon kay NHCP Chairman Rene Escalante, sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng engineering study sa mga historic churches.
Layunin nitong malaman ang eksaktong halaga na kakailanganin upang malinaw ang magawa nilang request sa oras na mahimay ang national budget.
Kabilang sa mga simbahang nagtamo ng pinsala ang nasa Angeles, Lubao, Guagua, Minalin at San Fernando, Pampanga na pawang may historical marker.
Maliban dito, may bahagyang pinsala rin ang St. Catherine Church sa Porac; San Agustin Parish sa Lubao; Metropolitan Cathedral sa San Fernando; Holy Rosary Parish at Archdiocesan Shrine of Christ our Lord of the Holy Sepulcher sa Angeles City; Saint James the Apostle Parish sa Guagua; Santa Rita de Cascia Parish Church sa Santa Rita, pati na ang Sta. Monica Parish Church Minalin.