-- Advertisements --

Binigyang-diin ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eduardo Guillen ang kahalagahan ng mga dam sa flood control o pagpigil sa mga pagbaha sa gitna ng pagpapakawala ng tubig ng mga dam sa Luzon.

Ayon kay Guillen, sa kabila ng pagpapakawala ng tubig sa mga malalaking dam, malaking tulong ang mga ito para makontrol ang biglaang pagbaha sa mga mabababang lugar.

Inihalimbawa ng opisyal ang malalakas na pag-ulan na naranasan sa maraming mga lugar sa Northern Luzon, lalo na sa Cordillera at Cagayan Valley kung saan nagawa ng mga malalaking dam na ma-contain o mahawakan ang malaking bulto ng tubig.

Paliwanag ni Guillen kapag hindi napigilan na umagos ang mga tubig sa mga kabahayan, posibleng mangyari ang flash flood o biglaang pagbaha sa mga mababang lugar habang sa tulong ng mga dam ay nagagawa pa ring ma-contain ang mga naturang tubig sa tulong ng malalaking reservior.

Bagaman tuluyan ding papakawalan ang tubig na naipon sa mga dam, ipinaliwanag ni Guillen na kontrolado ang pagpapakawala ng tubig at paunti-unting ilalabas ang mga ito upang hindi magiging biglaan ang paglobo ng tubig.

Sa ganitong paraan aniya, nagiging malaking tulong ang mga dam sa pagkontrol sa mga biglaang pagbaha, maliban pa sa tulong ng mga ito sa irigasyon at power generation.