LEGAZPI CITY – Aminado ang National Irrigation Administration (NIA) Bicol na may mga trabahador sa Ibingan Small Reservoir Irrigation Project sa Prieto Diaz, Sorsogon na hindi pa nasasahuran.
Kasunod ito ng reklamo sa Bombo Radyo Legazpi ng nasa 40 trabahante sa itinigil munang proyekto na wala pang natatanggap na sahod.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay NIA Bicol spokesperson Ed Yu, sa una pa lamang nilinaw na umano ng ahensya sa mga ito na ‘accounts payable’ ang pagbayad kaya posibleng maantala ang sahod.
Paliwanag ni Yu, ipapadala muna ng regional office sa Department of Budget and Management (DBM) central office ang request para sa pondo ng ipansu-sweldo sa mga trabahador.
Nagdesisyon rin si Engr. Allan Fabricante na namumuno sa proyekto sa slope protection at extension ng elevated canal, na pansamantalang itigil ang patrabaho.
Nauunawaan naman umano ng ahensya ang pangangailangan ng mga ito kaya naghahanap na ng ipambabayad sa mga trabahante sa halagang P200,000 upang matuloy na rin ang patrabaho.
Hawak naman ng contractor ang patrabaho sa dam component na wala namang problema sa kasalukuyan.
Inaasahang malaking tulong ang P500-M worth na proyekto sa pagsuplay ng tubig sa nasa 400 ektaryang lupain ng mga magsasaka sa Sorsogon.