Nakahanda si National Irrigation Administration(NIA) Administrator Eddie Guillen na sumagot sakaling ituloy ng Senado ang isinusulong nitong imbestigasyon na pangungunahan ng Blue Ribbon Committee.
Maalalang sa pagdinig ng Senado ukol sa 2025 budget ng NIA ay nasita ng mga senador ang rehabilitation project para sa Bulo Small River Irrigation Project sa San Miguel, Bulacan.
Ayon sa mga senador, nananatiling sira-sira ang naturang dam sa kabila ng P50 million na ginamit para maayos ito.
Sa hiwalay na panayam kay Guillen, sinabi ng opisyal na nakahanda itong sumagot kung sakali mang itutuloy ng Blue Ribbon ang pagdinig.
Gayonpaman, binigyang diin ng opisyal na sa loob ng kaniyang termino ay walang ginastos ang NIA na P50 million para lamang sa rehabilitasyon sa naturang dam.
Sa katunayan aniya, nadatnan lamang umano niya ang naturang proyekto.
Matapos umano siyang umupo bilang NIA Chief at nangailangan pa ng dagdag na rehabilitasyon, kinausap umano ng NIA ang contractor ng Bulo Dam upang siya na mismo ang gumastos sa rehab, bagay na ginawa naman ng contractor.
Ayon pa kay Administrator Guillen, kung sakaling itutuloy ang pagdinig ay nakahandang humarap ang kaniyang team para masagot ang katanungan ng mga senador.