Inihahanda na ng National Irrigation Administration(NIA) ang mga bagong-aning bigas para maibenta sa mga KADIWA Stores.
Ito ay magiging bahagi ng bigas-29 ng pamahalaan.
Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, bahagi ito ng bagong programa na ‘rice contract farming’ kasama ang mga magsasaka sa iba’t ibang mga rehiyon.
Ang naturang programa ay umaalalay at sumusuporta sa mga magsasaka mula sa pagtatanim hanggang sa pagbebenta ng mga naaning palay.
Ang mga aning bigas ay sumasailalim sa repacking at inihahanda ng NIA Cavite-Batangas at NIA Quezon Irrigation Management Offices para sa nalalapit na roll-out ngayong buwan.
Dadalhin ang mga ito sa mga KADIWA Center upang ibebenta sa halagang P29 kada kilo, prayoridad ang mga senior citizen, solo parents, at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon pa kay guillen, bahagi ito ng suporta ng NIA sa hangarin ni PBBM na magkaroon ng murang bigas sa mga merkado na maaaring bilhin ng mga konsyumer.