CAUAYAN CITY – Nag-abiso na ang National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa gagawing pagpapakawala ng tubig para sa power generation na bahagi ng kanilang water regulation dahil sa unti-unting pagtaas ng antas ng tubig sa magat dam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na kahapon ay naitala nila ang 186.48 meters above sea level na antas ng tubig sa magat dam at nasa higit isang metro ang itinataas ng tubig kada araw.
Aniya, bagamat magandang senyales ito para sa mga magsasaka ay kailangan nilang mapanatili ang 185 hanggang 188 meters above sea level upang mabigyang daan pa ang volume ng tubig sakaling muling makaranas ng pag-ulan sa Magat watershed.
Hindi nila inasahan na magkakaroon ng pag-ulan sa watershed areas ng Magat dam na dahilan ng unti-unting pagtaas ng tubig sa dam kaya kailangan na nilang magregulate sa water inflow.
Una na silang nag-abiso sa publiko kaugnay sa nakatakdang pagpapalabas ng tubig para sa power generation at inaasahan ang unti-unting water spill sa magat river na dadaan sa ilang bayan sa San Mateo at Ramon, Isabela.
Samantala, dahil sa pagtaas ng antas ng tubig sa dam ay posible na ring madagdagan pa ang bilang ng mga lugar na maaaring mapatubigan ng NIA-MARIIS sa nalalapit na dry season.
Posible aniya na hindi sila magcut off para sa mga magsasakang nahuli sa pagtatanim sa wet cropping habang itinakda sa October 15 ang water realeasing para sa dry cropping.