-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nag-abiso ang National Irrigation Administration (NIA) hinggil sa patuloy na pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam hanggang sa susunod na linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Engr. Eduardo Ramon, division manager ng Magat Dam and Reservoir Division ng NIA Magat River Integrated Irrigation System (MARIIS), mula nitong umaga ay nagpakawala na ng 100-cubic meter per second ang naturang dam matapos buksan ang Spillway 4 na may taas na 5-meters.

Mababa na raw ito mula sa target nila kahapon na 200-cubic meter per second dahil mababa lang din umano ang sukat ng tubig na pumasok dahil mula sa ulan.

Ayon kay Ramos, nasa 191.2-meters ang water level ngayon ng Magat Dam.

Lampas na ito sa spilling level na 190-meters simula ng pumasok ang Setyembre.

Kaya bilang tugon, asahan daw na patuloy ang pagpapakawala ng tubig ng dam hanggang maabot muli nito ang normal level na 188 hanggang 189-meters.

Inaasahang maapektuhan ng hakbang ang mga bahay at lugar na malapit sa mga ilog na dinadaluyan ng tubig ng dam.