Binigyang-diin ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eduardo Guillen ang kontroladong pagpapakawala ng tubig sa mga dam na apektado sa pananalasa ng bagyong Marce.
Ito ay sa kabila ng mabibigat na pag-ulang dala ng naturang bagyo, lalo na sa mga probinsya sa northern Luzon.
Ayon kay Guillen, dati nang nagpakawala ng malaking volume ng tubig ang mga malalaking dam sa Luzon bago pa man maramdaman ang epekto ng naturang bagyo.
Sa ganitong paraan ay nagiging mas maayos aniya ang pamamahala sa papasok na bulto ng tubig-ulan sa mga dam.
Ginawa ito aniya sa Magat Dam na pangunahing apektado sa malawakang pag-ulang dulot ng bagyong Marce, habang dati na ring nagpakawala ng tubig sa iba pang mga dam tulad ng Pantabangan, San Roque, at Ambuklao.
Ayon pa kay Guillen, regular na babantayan ng mga dam management ang galaw ng bawat bagyo o anumang sama ng panahon upang maagap ang isasagawang aksyon tulad ng mas maagang pagbubukas ng mga floodway gate.