BUTUAN CITY – Nananawagan ang National Intelligence and Coordinating Agency (NICA) Caraga sa Commission on Human Rights (CHR) na gawin ang kanilang trabaho na patas at malinaw sa paghawak sa kaso ni Dra. Ma. Natividad Castro na pinaniniwalaang doktor ng Communist Party of the Philippines (CPP) – Central Committee at pinuno ng CPP-New People’s Army (NPA) National Health Bureau na nakabase sa Butuan City at ngayon ay nasa kustodiya ng Bayugan City Police station.
Ayon kay JC Salomon ng NICA Caraga sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, kailangan walang papaborang panig ang CHR at hindi isisisi sa gobyerno ang pagdakip kay Castro na isinasangkot umano sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Sinabi ni Solomon, malinaw na lehitimo ang pag-aresto ng mga otoridad kay Castro at tiniyak na walang nangyaring red-tagging dahil may warrant of arrest ito at may complainant sa kaso si Dr. Castro.
Nagpapasalamat din ang NICA-Caraga sa mga hakbang na ginawa ng pulisya, kasundaluhan at CHR.