Naglunsad na ng sariling imbestigasyon ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) matapos maaresto ang 4 sa kawani nito na sangkot umano sa extortion.
Iginiit din ng NICA na kanilang siniseryosong sinisiyasat ang mga alegasyon ng ilegal na aktibidad ng kanilang mga kawani at tiniyak na gagawa ng kaukulang aksiyon sa oras na maberipika ang mga alegasyon.
Una rito, dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 4 na opisyal ng NICA dahil sa pagtatangkang mangikil ng P2 million mula sa isang Korean national sa Pasay city.
Ayon sa biktima, mayroong 2 iba pang kasabwat maliban pa sa 4 na naarestong suspek.
Nagpakilala din umano ang mga ito bilang kawani ng Bureau of Immigration at Office of the President at ipinaalam sa kaniya na mayroon siyang existing na kaso sa BI.
Isinalaysay pa ng biktima na binayaran niya ang mga suspek ng P450,000 para hindi maisilbi ang umano’y arrest warrant laban sa kaniya.
Ito ay matapos na kikilan daw siya ng mga suspek ng pera para maayos ang kaniyang kaso.
Nagbunsod naman ito sa biktima para ireport ito sa NBI na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga salarin.