Pinatawan ng 16-linggong ban si Nick Kyrgios sa ATP Tour at inilagay sa anim na buwang probation period kasunod ng imbestigasyon ukol sa “aggravated behavior” nito sa isang tournament sa Cincinatti noong nakalipas na buwan.
Ininsulto kasi ni Kyrgios ang isang chair umpire at umalis sa court upang sirain ang dalawang raketa sa second-round loss nito sa Western & Southern Open.
Kalaunan ay pinagmulta ito ng $113,000 dahil sa walong magkakaibang mga offense.
Sa pahayag ng tout, ipinagpaliban muna ang suspensyon dahil kailangan munang masunod ni Kyrgios ang ilang mga kondisyong itinakda ng ATP, kabilang na ang pagkonsulta sa isang specialist sa behavioral management sa off-season.
“The suspension will be lifted at the end of the six-month probationary period provided that the above conditions are met,” saad ng ATP.
Titingnan din ng ATP ang naging mga komento ni Kyrgios sa US Open, kung saan tinawag nitong “pretty corrupt” ang ATP.
Ngunit hindi naman daw maituturing na isang “major offense” ang mga pahayag na ito ng Australian player.