Napagpasyahan ni four-division champion Donnie “Ahas” Nietes na bakantehin na lamang ang hawak nitong WBO World Super Flyweight title.
Ito’y sa halip na pagharap sa kababayang si Aston Palicte para sa isang rematch.
Sa inilabas na pahayag ni Nietes, matapos umanong pag-isipan nang husto sa mahabang panahon, naramdaman daw nitong wala nang punto kung ipupursige pa nito ang rematch kay Palicte matapos ang kontrobersyal na draw noong Setyembre.
“I hope to seek bigger fights with the world champions of the other organizations. It may or may not happen but I believe this is the right decision under this situation. Also, I would want to give my fellow Filipino Aston Palicte a chance to fight for the world title to bring pride and glory to our country,” wika ni Nietes.
Sa naturang September bout, nauwi sa controversial split draw ang tunggalian nina Nietes at Palicte para sa noo’y bakanteng titulo matapos ang maaksyong 12 rounds.
Tatlong buwan ang nakalipas nang maangkin na ni Nietes ang nasabing titulo nang magwagi ito sa pamamagitan ng split decision kontra kay Kazuto Ioka ng Japan.
Kasunod nito, inatasan si Nietes ng WBO na depensahan ang kanyang titulo kay Palicte.
Ngunit dahil sa nauwi lamang sa wala ang mga negosasyon, nabakante ang belt bago pa man ang nakatakdang purse bid sa San Juan, Puerto Rico.