-- Advertisements --

(Update) BAGUIO CITY – Nahaharap na sa mga kasong swindling o estafa sa pamamagitan ng online scam at ng Cybercrime Prevention Act of 2012 ang Nigerian national at kasintahang Pinay na naaresto sa entrapment operation sa isang remittance center sa Marcos Highway, Baguio City, nitong Biyernes.

Nakilala ang Nigerian na si Williams John Ani, pero nagpapanggap bilang Lucas Chan, 29-anyos na civil engineer sa South Korea.

Isa siya sa mga mastermind ng “honey love” scam.

Kasama niyang nadakip ang kasintahang Pinay na si Indira Geil Villanueva Duca, nagpapakilala bilang si Sharon, 25-anyos na Korean Service Agent.

Temporaryong nakarita ang mga ito sa Bengao, Marcos Highway, Baguio City.

Isinagawa ang operasyon sa Baguio City sa pangunguna ng mga operatiba ng Airport Police Department ng Manila International Airport Authority (MIAA) kasunod ng reklamo ng isang service woman ng Philippine Navy mula Dasmarinas City, Cavite.

Ayon sa mga otoridad, bilang “Lucas” ay sinabihan ni Ani ang biktima sa pamamagitan ng chat na may ipinadala itong package na naglalaman ng mga laptop, i-Phone, relo at pera.

Pagkatapos ay nakatanggap ang biktima ng mensahe na nasa airport na ang nasabing package ngunit kailangan niyang bayaran ang custom clearance na P35,000.

Ngunit matapos niyang magbayad sa pamamagitan ng isang bank account, humirit pa si “Sharon” ng karagdagang P145,000 para raw sa Certificate of Money Laundering dahil nakitaan umano ang package ng dollar bills na iligal sa bansa.

Tinakot nila ang biktima na makukulong ito kung hindi niya babayaran ang dagdag na halaga.

Dito na nagduda ang biktima kaya pinaberipika sa airport ang tracking number ng package at nabuking na wala talagang inaasahang package.

Ipinagpatuloy naman ng biktima ang pakikipag-chat sa mga suspek at sa tulong ng mga operatiba ng Airport Police ay isinagawa ang entrapment operation kung saan naaktuhan ang pag-claim nila sa perang ipinadala ng biktima.

Una nan hinuli ng mga operatiba ng Airport Police Department ng MIAA ang dalawang dayuhang suspek ng “honey love scam” sa Tuba, Benguet nitong May 15.