BAGUIO CITY – Arestado ang isang “love scammer” na Nigerian national matapos salakayin ng pinagsamang puwersa ng PNP Regional Anti-Cybercrime Unit ng Police Regional Office Cordillera (PROCOR) at ng Baguio City Police Office – Station 2 ang bahay nito sa Pinget, Baguio City nitong Miyerkules ng umaga.
Nakilala itong si Promise Udochukwu Chigbu, 27, tubo ng Port Harcourt, Rivers State, Nigeria.
Nahuli si Chigbu matapos magpositibo ang search warrant laban dito kung saan nakumpiska ang mga ginagamit niya sa panloloko sa kanyang mga biktima gamit ang modus na love scam.
Ayon kay PCol. Rommel Javier Jr., PROCOR-Regional Anti-Cybercrime Unit chief, nag-ugat ang operasyon laban kay Chigbu matapos magpasaklolo sa kanila ang dalawang babaeng biktima nito.
Aniya, nagpapanggap na mayaman si Chigbu at nililigawan nito ang mga biktima nitong Pinay na karamihan ay mga may edad na babae gaya ng mga balo o walang asawa.
Matapos aniyang makuha ng dayuhan ang tiwala ng mga biktima ay dito na nagsisimula ang kanyang paghuthot sa mga ito sa iba’t ibang paraan gaya ng pagpapanggap na na-kidnap pagdating niya sa bansa o kaya ay magpapadala ng balikbayan boxes kapalit ng pera.
Nagsisilbi aniyang komunikasyon ng suspek at mga biktima nito ang mga online messaging applications bagama’t gumagamit lamang ang suspek ng ibang mga larawan at pangalan.
Napag-alaman na aabot sa P1-milyon ang nakuha ng suspek sa mga nagreklamong biktima nito.
Nakumpiska sa bahay ni Chigbu ang mga laptops, bank transaction slips, sim cards, cellphones at iba pang props o kagamitan na ginagamit nitong panloko sa kanyang mga biktima.