BAGUIO CITY – Sinuspinde muli ni Mayor Benjamin Magalong ang operasyon ng night market sa Baguio City.
Ito ay matapos hindi nakontrol ang pagdagsa ng maraming tao sa market encounter kagabi sa kabila ng mga ipinapatupad na health protocols kontra COVID-19.
Una rito, nahinto ang operasyon ng night market sa bahagi ng Harrison Road dahil sa kasalukuyang pandemya.
Gayunman, binuksang muli ito kagabi mula alas-8:00 hanggang alas-11:30 na bahagi ng kampanya ng lokal na pamahalaan para makabangon ang ekonomiya ng lungsod.
Nakatakdang magsagawa ng pulong sina City Treasurer Alex Cabarrubias at market superintendent Fernando Ragma Jr. kasama ang mga concerned vendors at stakeholders para sa isang post-night market assessment.
Ipinag-utos pa ni Mayor Magalong ang agarang pagsumite sa kanya sa resulta ng pulong.