Muling ipinasara muna ng Italian government ang mga discos at night club kasunod na rin nang pagdami ng bilang nga mga nahawa sa COVID-19 na mga kabataan.
Liban dito, iniutos din ng mga otoridad na compulsory na ang pagsusuot ng face mask kung lalabas lalo na sa gabi.
Nitong nakalipas na mga linggo napansin ang pagtaas ng bilang mga kabataan na may edad 40-anyos pababa ang kinapitan ng coronavirus.
Kung maalala ang Italya ang unang bansa sa Europa na matinding tinamaan ng pandemya.
Samantala ang mga bagong patakaran sa Italy ay ipapatupad nitong Lunes at magtatapos hanggang unang bahagi ng Setyembre.
Ibinababa ang mga bagong panuntunan, dalawang araw matapos ang Italian holiday kung saan inaasahan ang paglabas at pagsasaya ng maraming kabataan.
Ang mandatory na pagsusuot ng mask ay sa pagitan ng alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga doon sa mga lugar na malapit sa mga bars at pubs kung saan laging sentro ang mga pagtitipon.
“We cannot nullify the sacrifices made in past months. Our priority must be that of opening schools in September, in full safety,” ani Health Minister Roberto Speranza sa kanyang Facebook statement.
Nito lamang nakalipas na Linggo nasa 479 ang kumpirmadong bagong mga kaso ng COVID-19 sa Italya.