-- Advertisements --
Egon Cayuso
IBP President Egon Cayuso/ FB image

TUGUEGARAO CITY – Sang-ayon ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na isapubliko ang pangalan ng mga sinasabing “ninja cops”.

Subalit, sinabi ni Atty. Egon Cayosa, presidente ng IBP na dapat kasuhan na rin ang mga ito para gumulong ang due process of law at mapatunayan kung totoo ang paratang laban sa mga tiwaling mga pulis.

Ayon sa kanya, walang silbi kung isasapubliko lang ang pangalan ng mga ito na wala namang mapapanagot sa ilalim ng batas.

Sinabi niya na maituturing na suspects pa lang ang mga ito hangga’t hindi napapatunayan ang mga paratang sa pamamagitan ng paglilitis.

Idinagdag pa ni Cayosa na hindi ito usapin ng paglabag sa human rights ng mga tinaguriang “ninja cops”.

Ayon sa kanya, ang mahalaga ay ibigay sa kanila ang karapatan na idepensa ang kanilang sarili.

Idinagdag pa ni Cayosa na public figure ang mga nasabing pinaparatangan at karapatan din ng publiko na malaman ang katotohanan at hindi sila maaaring magtago sa ilalim ng human rights.