Inilabas na ng Palasyo Malacañang ang nirepasong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF) act ngayong araw.
Ilan sa mga kapansin-pansing pagbabago sa nirepasong IRR ng naturang batas ay ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo para tanggapin o tanggihan ang mga nominee na isinumite ng Maharlika Investment Corporation Advisory Body para sa posisyon ng president at chief executive officer, regular at independent directors ng MIC Board.
Ito ay nakapaloob sa Section 30 ng nirebisang IRR ng MIF law.
Sa naunang bersiyon ng IRR, nililimitahan ang pagpili ng Pangulo sa kanyang itatalaga sa MIC Board sa isusumiteng rekomendasyon ng Advisory Body.
Ang naturang Advisory Body para sa MIC ay binubuo ng mga kalihim ng DBM, National National Economic and Development Authority (NEDA), at Treasurer of the Philippines.
Matatandaan na sinuspinde ni PBBM ang pagpapatupad ng IRR ng kontrobersiyal na kauna-unahang sovereign fund ng Pilipinas dahil ayon sa Pangulo sumasailalim ito sa masinsinang pag-aaral.
Kalaunan nilinaw ng Pangulo na hindi ito sinuspinde at inaasahang magiging operational bago matapos ang 2023.