Bukas na para sa mga motorista ang NLEX Connector sa España hanggang Magsaysay Section.
Ayon kay NLEX Corporation President Luigi Bautista, ang pagbubukas ng nasabing section ay bilang paghahanda na rin sa inaasahang dami ng mga motoristang dadaaan para sa BSKE bukas at Undas .
Ito ay bahagi rin ng “Safe Trip Mo Sagot Ko” motorist assistance program ng Metro Pacific Tollways Corporation.
Layunin ng programang ito na pagtibayin ang serbisyo ng expressway upang maging ligtas at maging maginhawa, mabilis ang paglalakbay ng mga motorista.
Pinanatili rin ng naturang tollway company ang discounted na P86 para sa NLEX Connector hanggang sa susunod na magiging abiso ng kumpanya.
Ang NLEX Connector España hanggang Magsaysay Section na may 1.8km four lane (2×2) ay makababawas umano sa siksikan ng mga sasakyan sa Metro Manila partikular na sa EDSA at C5.
Aabot rin sa walong minuto ang posibleng maging bawas sa travel time mula C3 sa Caloocan hanggang Magsaysay Boulevard sa Manila.
Mayroon rin tatlong interchanges ang NLEX Connector na matatagpuan sa C3 Road/5th Avenue sa Caloocan, España at Magsaysay Blvd.