-- Advertisements --

Inaayos na ng North Luzon Expressway ang kanilang isinasagawang paghahanda para sa pagdagsa ng mga motoristang luluwas at babalik ng Metro Manila sa Lunes, Hunyo 1.

Ito ay kasabay na rin ng pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR) simula bukas.

Kasama sa kanilang paghahanda ang repainting at pagsasa-ayos ng toll plazas maging ang disinfection toll booths, customer service centers, company vehicles, project sites at iba pang pasilidad upang labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay NLEX traffic operations manager Robin Ignacio, bubuksan ang bawat tollgate para hindi magkumpulan ang mga sasakyan. Magdadagdag din umano sila ng portable collection booths upang tulungan ang mga toll booths.

Wala ring ilalagay na ambulant tellers para mabawasan ang personal contact alinsunod sa ipinapatupad na COVID-19 preventive measures.

Inaasahan na halos 200,000 motorista ang dadaan ng NLEX bukas kung saan mananatili naman ang quarantine checkpoints ng Philippine National Police (PNP) sa bawat border at entry points ng naturang expressway.

Samantala, libre pa rin ang toll fee para sa lahat ng medical frontliners. Sa ngayon ay mayroon ng P7.2 million halaga ng free tolls ang inextend para sa 5,400 doktor, nurses at iba pang healthcare professionals.