-- Advertisements --

Sinimulan na ng Northern Luzon Expressway (NLEX) ang pag-deploy ng mas maraming traffic enforcer at patrol units kasabay ng inaasahang paglobo ng maraming mga sasakyan at biyahero na uuwi sa Central at Northern Luzon.

Ayon kay NLEX AVP for Traffic Operations Robin Ignacio, tutulong ang mga naka-deploy na personnel sa pagpapanatili ng maayos at tuloy-tuloy na daloy ng trapiko mula sa mga pangunahing lansangan hanggang sa mga toll plaza.

Aasiste rin ang mga ito sa mga motoristang posibleng magka-aberya habang nasa kalsada, pauwi sa kani-kanilang mga lugar.

Simula kahapon (April 9), binuksan na rin lahat ng mga kalsada na dating nasa ilalim ng ‘road closure’, upang magamit bilang pangunahing ruta o alternatibong ruta papuntang Northern Luzon.

Ayon pa kay Ignacio, itinigil na rin ng NLEX ang mga ginagawang pagkumpuni upang walang maging sagabal sa mga daanan. Ibabalik na lamang muli ito pagsapit ng Abril-21 kung kailan inaasahang makakabalik na ang mga biyahero dito sa Metro Manila.

Sa pagdagsa ng mga biyahero papuntang Norte, inaasahang magtutuloy-tuloy ito hanggang sa hapon ng Huwebes Santo (April 17).

Inaasahan namang magsisimula ang pagbalik ng mga pasahero dito sa Metro Manila, hapon ng Sabado(April 19) at magtutuloy na ito hanggang sa Lingo ng Pagkabuhay, April 20.

Ayon kay Ignacio, nakahanda ang iba pang traffic enforcer at mga personnel na idadagdag sa deployment sa mga kalsada, katuwang ang mga transportation agencies ng pamahalaan.