DAGUPAN CITY – Matagumpay na nahuli ang 47-anyos na lalaki na itinuturing na number 1 most wanted person matapos maaresto ng San Carlos City Police sa pamamagitan ng manhunt operation dahil sa panggagahasa sa apat nitong mga anak.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ni Lt Col. Rollyfer Capoquian, officer-in charge ng San Carlos PNP kung saan nadakip ang suspek na kinilalang si Bonifacio Valerio, may asawa, high school graduate, walang trabaho, at residente ng Brgy. Bogaoan sa nasabing lungsod.
Sa bisa ng ipinalabas na warrant of arrest mula sa sala ni Judge Jaime Dojillo, presiding Judge ng Branch 57, Regional Trial Court ng lungsod ng San Carlos ay napatawan ang suspek ng kasong 3 counts of acts of lasciviousness na may piyansang nagkakahalaga ng P120,000 at anim na kaso ng rape na walang kaukulang piyansa.
Sa ipinatawag na press conference na ginanap sa bayan ng Lingayen sa Agtarap Hall ng Pangasinan PPO, inilahad mismo ni Capoquian na sariling mga anak ng suspek ang naging biktima sa pangyayari.
Paulit-ulit pa raw ang panggagahasa at pangmomolestiya na inabot ng apat na babaeng anak ni Valerio mula sa kaniyang mga kamay.
Pitong taong gulang ang panganay na anak nito nang magsimulang pagsamantalahan ng kaniyang sariling ama at hindi pa ito nakontento, isinunod pa niya ang tatlong mga anak.
Dagdag pa ni Col. Capoquian, base sa testimoniya ng isa sa mga biktima, palagi raw sinasabi sa kanila ng kanilang ama ang mga katagang “bago kayo pakinabangan ng iba, dapat ako muna.”
Nabatid na sa ngayon ay 16-anyos na na ang pinakabatang biktima at noong nakaraang taon lamang ng huli itong galawin ng kaniyang sariling ama.
Ang tatlong biktima ay kasalukuyan ng naninirahan sa Metro Manila kung saan may kaniya-kaniya na silang trabaho at pamilya.