-- Advertisements --

ILOILO CITY – Napasakamay na ng otoridad ang no. 1 Most Wanted Person ng MIMAROPA na may kasong 63 counts of rape matapos ang isinagawang police operation sa Brgy. Tambaliza, Concepcion, Iloilo.

Ang arestado ay nakilalang si Arcel Molino, 44, pansamantalang nakatira sa nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa Deputy Regional Director for Operations (DRDO) ng Police Regional Office (PRO) 6 na si S/Supt. Remus Zacharias Canieso, sinabi nito na si Molino ay suspek sa paulit-ulit na paggahasa sa isang 16 anyos na dalagita sa Bataraza, Palawan noong 2010.

Matapos ang ginawang krimen ayon kay Canieso, kaagad na umalis sa Palawan si Molino at tumungo sa Iloilo.

Tumira sa Brgy. Mandu-awak, San Dioniso, Iloilo si Molino bago lumipat sa Brgy. Tambaliza, Concepcion, Iloilo noong 2015.

Nagtatrabaho bilang karpentero si Molino hanggang sa nakapagtrabaho sa isang bottling company sa San Miguel, Iloilo noong 2017 ngunit bumalik ito sa pagiging karpentero sa bayan ng Concepcion.

Doon na umano ayon kay Canieso at nahuli si Molino ng pinagsanib na pwersa ng Regional Intelligence Unit (RIU)-6, RIU-4B, Regional Intelligence Division ng PRO-6, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 6 at 2nd Platoon Iloilo Provincial Mobile Force Company.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PRO-6 si Molino at iaasahang iturn-over sa mga otoridad sa Palawan.