ILOILO CITY – Mainit ngayon na pinag-uusapan kung sino ang uupong konsehal sa nabakanteng posisyon matapos sumakabilang buhay ang No. 2 councilor elect sa lungsod ng Iloilo.
Ito ang isa sa mga dahilan sa paghain ni Atty. Dan Cartagena ng Petition for Mandamus, Injunction at Temporary Restraining Order (TRO) sa Korte Suprema.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Cartagena, sinabi nito na ang kanyang inihaing Petition for Mandamus ay upang iapela sa Korte Suprema na bigyan ng deriktiba ang Board of Election Inspectors (BEI) sa Lungsod ng Iloilo na iproklama siya bilang nanalong konsehal kapalit ni Armand Parcon.
Ang Injunction at TRO naman ayon kay Cartagena ay upang bigyan ng Korte Suprema ng direktiba ang Department of Interior and Local Government (DILG) na harangan ang appointment ng mapipiling papalit sa namatay na konsehal.
Ayon kay Cartagena, hindi maaring sundin ang nakasaad sa section 45 ng Local Government Code dahil hindi pa nanumpa si Parcon.
Kung mayroon mang papalit sa pamamagitan ng appointment, ito ay para sa unexpired term ni Parcon bilang incumbent official sa siyudad.
Nais ni Cartagena na iproklama bilang konsehal sa pamamagitan ng pag-reconvene ng BEI at hindi sa pamamagitan ng rule of succession o appointment.