-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Hindi inasahan ng pumangalawa sa Physician Licensure Examination 2020 na makakapasok siya sa Top 10.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Patrick Joseph Mabugat ng Barangay Alijis, Bacolod City, pangarap niya lang ay ang makapasa sa nasabing pagsusulit.

Kuwento pa nito, nanaginip siya kaninang madaling-araw na siya ay bumagsak sa exam kaya naalimpungatan kasabay nang balita sa kanya na siya ay number 2 mula sa 3,538 na nakapasa.

Ang 26-anyos na graduate ng University of Saint La Salle ay topnotcher din sa Medical Technologist Licensure Examination noong 2014.

Aniya, ibinabalik niya sa kanyang pamilya ang tagumpay dahil sa suporta sa kanyang pag-aaral, pati na rin sa kanyang fiance na si Dyan Dimalaluan na kasabay niyang pumasa sa licensure exam.

Nakatakda na sana ang kasal ng dalawa nitong nakalipas na Setyembre ngunit na-postpone dahil sa coronavirus pandemic.

Hindi rin aniya madali ang kanilang pag-review para sa board exam dahil sa pandemya.

Ayon kay Dr. Mabugat, mananatili siya sa Bacolod at dito na rin maninilbihan bilang isang manggagamot.

Si Mabugat ay panganay sa apat na anak na pawang lalaki nina Philippine National Police-Internal Affairs Service chief of staff Col. Calixto Mabugat, habang ang kanyang ina na si Arlene ay nagtratrabaho bilang dealer sa Philippine Amusement and Gaming Corporation sa Bacolod.