-- Advertisements --

Iminungkahi ni Presidential adviser on entrepreneurship Joey Conception na gawing requirement ang booster card bago mapahintulutan na makapasok ang isang tao sa mga enclosed establishment sa bansa simula sa darating na Hunyo.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Concepcion na ang mungkahing ito ay layuning makatulong na mapabilis pa ang bakunahan ng booster sa bansa at maiwasan na rin na ma-expire at masayang ang mga stock na bakuna ng pamahalaan.

Bagama’t hindi aniya nakikita sa ngayon ang panganib ng hindi pagpapaturok ng booster shot ay maaari daw ito muling maramdaman sa susunod na mga panahon sa oras kung kailan humina na ang ating mga immunity kasabay ng pag-usbong ng mga bagong variant ng Coronavirus Disease 2019.

Nilinaw niya na hindi naman ito kaagad na ipapatupad, at sa kanyang palagay ay sapat na ang dalawa’t kalahating buwan o hanggang Hunyo upang mapaghandaan ito ng publiko at makapagpabakuna na ang mga ito ng booster. Nabanggit pa nito ang pagkakaroon na ng maraming supply ng bakuna sa bansa at mas maluwag nang nakakalabas ang mga tao dahil na rin sa mas magaan na mga restriction na ipinatutupad ng pamahalaan.

Samantala, sinabi naman ni Health Undersecretary and National Vaccinatin Operations Center Chair Myrna Cabotaje na kasalukuyan nang tinatalakay ng mga eksperto ang mungkahing ito ni Concepcion.