CENTRAL MINDANAO – “Tama at nakabase sa katotohanan ang paglalagay ng mga no build zones sa mga lugar na sinalanta ng nakaraang tatlong malalakas na lindol sa Kidapawan City.”
Ito ay ayon pa sa official statement ni City Mayor Joseph Evangelista na ipinoste sa kanyang Facebook page.
Bagamat nirerespeto ng alkalde ang naunang sinabi ni North Cotabato Governor Nancy Catamco na dapat ng pabalikin ang mga IP families sa kanilang mga ancestral domain na sinira ng mga lindol na napabilang sa mga deklaradong no build zones, ang kaligtasan pa rin daw ng mga mamamayan ang pinakaprayoridad ni Mayor Evangelista.
Giit ng alkalde, hindi dapat masakripisyo ang kaligtasan at buhay ng mga mamamayang nakatira sa mga no build zones dahil peligroso ang mga ito sa landslides na pwedeng mangyari sa panahon ng lindol at tuloy-tuloy na mga pag-ulan.
Ang paglalagay ng no build zones ay hindi paglabag sa karapatan ng sinuman sa kanilang lupain, paliwanag pa ni Mayor Evangelista.
Ito ay taliwas sa mga sinasabi ng ilan na nilalabag daw ng city LGU ang karapatan ng mga pamilyang na-displace ng lindol sa kanilang mga lupain.
Ayon sa mayor, pwede naman silang magsaka at maghanapbuhay sa lugar basta’t huwag lang sila titira doon para na rin sa kanilang kaligtasan.
Nakikipagtulungan na rin ang city LGU sa Mines and Geosciences Bureau ng DENR at Phivolcs para matiyak na ligtas ang mga lugar na paglilipatan ng tirahan ng mga pamilyang nakatira sa no build zones.
Kanya na ring inirekomenda sa sangguniang panglungsod ang pag-amyenda sa Comprehensive Land Use Plan at zoning ordinance base na rin sa findings ng MGB at Phivolcs.
Tiniyak ni Mayor Evangelista na ang mga desisyon ng city government hinggil sa pagkakaroon ng no build zones ay naaayon sa pagsusuri ng mga eksperto at hindi nagmula sa mga sabi-sabi lang ng ilang indibidwal.