-- Advertisements --

Kumpiyansa ang pamahalaang lungsod ng Maynila na bababa ang bilang ng mga maitatalang isyu sa trapik kasunod ng inilunsad na “no contact apprehension” program (NCAP) ngayong araw.

Sa isang programa sa Maynila, sinabi ni Mayor Isko Moreno na bilang na raw ang araw ng mga pasaway na motorista sa lungsod dahil wala na raw silang mailulusot pa rito.

Layunin aniya ng nasabing programa na mapuksa ang pangongotong ng ilang mga traffic enforcers, maging ang pagtatalo sa pagitan ng mga enforcers at motorista.

Ayon pa kay Moreno, iwas COVID-19 din daw ang hakbang dahil wala nang contact sa pagitan ng mga traffic enforcer at mga motorista sa siyudad.

Batay sa City Ordinance 8696, ang parusa sa mga lalabag ay P2,000 para sa first offense, P3,000 para sa second offense, at P4,000 para sa third offense sa mga mahuhuli sa sumusunod:

  • Disobedience o pagsuway sa traffic control signal at signs
  • Obstruction sa mga pedestrian lane
  • Driving o pagmamaneho sa yellow box
  • Over speeding
  • Hindi pagsusuot ng motorcycle helmets
  • Pagbalewala sa lane markings

Magmumulta naman ng P3,000 sa first offense, P4,000 sa second offense, at P5,000 sa third offense ang mga lalabag sa conterflow driving, reckless driving, at hindi pagsusuot ng seatbelts.

“Matatakot ang mga walang disiplina sa kalsada kasi wala na silang lusot. Kapag may disiplina, diyan aasenso ang bayan, tandaan nyo ‘yan, kaya dito sa Maynila titiyakin ko na mangunguna tayo diyan,” wika ni Moreno.

Samantala, nilinaw naman ni Moreno na walang mangyayaring lockdown sa Maynila hanggang Disyembre 31.

Gayunman, kung sumirit daw ang COVID-19 cases sa siyudad ay hindi raw ito magdadalawang-isip na ipatupad ang nasabing hakbang.

“Today until December 31, walang lockdown as Maynila. Pero pag pumalo yung COVID ihihinto ko ang lahat. Di ako magdadalawang-sip i-lockdown ang Maynila to prepare citizens,” anang alkalde.GMA