Ipatutupad ng city government ng Maynila ang no permit no rally policy sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.
Kabilang sa mga kinakailangan ng permit ang Freedom Park na katabi ng Liwasang Bonifacio sa Ermita, Manila.
Binigyang-diin ni Manila Mayor Honey Lacuna na kung walang permit ay hindi talaga maaaring mag-rally ang mga tao sa kung saan lang nila gusto. Sinabi pa nito na maging ang ibang siyudad daw ay ipatutupad din ang ganitong polisiya.
Siniguro naman ni Lacuna na magkakaroon ng mapayapang selebrasyon ang Maynila sa paggunita ng People Power Revolution.
Sa ngayon ay wala pa umanong natatanggap ang kanyang opisina na request para makapag-rally sa Manila.
Iginiit naman ng Bagong Alyansang Makabayan na walang legal basis ang polisiyang ito.
Ayon kay Bayan president Renato Reyes Jr., wala umanong nakasaad sa anumang batas na ‘no permit no rally’ sapagkat isang karapatan daw ang mag-protesta nang mapayapa. Wala raw dapat taong inaaresto dahil lamang sa pakikilahok nito sa isang mapayapang protesta.
Dagdag pa nito, nilalabag daw ng polisiya ang freedom of expression at right to peaceful assembly.