LAOAG CITY – Mahigpit na ipinapatupad ng mga awtoridad sa Paris, France ang “No QR Code, No Entry Policy” at “Color Coding” sa Seine River kung saan gaganapin ang Opening Ceremony ng 2024 Paris Olympics.
Ayon kay Bombo International News Correspondent – Jojo Ballesteros, ang pagpapatupad ng batas ay tatagal hanggang matapos ang 2024 Paris Olympics sa Agosto 11 upang matiyak ang kaligtasan ng mga atleta sa panahon ng event.
Paliwanag niya, ang color coding ang basehan ng mga maaring makapasok at kung walang ticket ay hindi sila papayagang makapasok sa venue, o hindi sila pwedeng umapak sa perimeter na kulay abo, at maaari lamang silang pumunta hanggang sa perimeter ng kulay pula.
Ipinaalam din ni Ballesteros na walang sasakyang papayagang makapasok sa competition area.
Kaugnay nito, aniya ang sinumang lalabag sa mga patakaran ay mapapatawan ng kaukulang parusa.
Kinumpirma rin ni Ballesteros na handa na ang mga pasilidad ng kalusugan ng France para sa 2024 Paris Olympics.
Samantala, nabatid na sa Opening Ceremony ay sasakay ng bangka ang mga atleta, maglalayag sa Seine River, papasok sa venue.