KALIBO, Aklan – Epektibo na agad sa Boracay ang “no registration, no swimming” policy batay sa ipinalabas na Executive Order No. 027 ng lokal na pamahalaan ng Malay.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, kailangang magpalista muna sa lifeguard station ang sinumang gustong maligo sa dagat.
Ito ay dahil kailangang malimitahan sa 100 katao ang papayagang maligo sa mga designated area simula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi upang mapatupad ang social distancing na may dalawang metro ang pagitan.
Maliban dito, dapat ay may distansiya rin ang mga nagsasagawa ng beach viewing at sun bathing.
Ang mga mamamasyal naman sa beachfront at iba pang bahagi ng isla ay kailangang nakasuot ng facemask at mag-obserba ng physical distancing.
Bago maligo, kukunan muna ng body temperature.
Bawal na rin ang nakasanayang pagrenta ng goggles at snorkeling masks, kaya kailangang magdala ng sariling mga gamit.
Ngayong araw ay buhos ang mga pumapasok sa isla na karamihan ay mga bumabalik na mga manggagawa.
Ayon kay Mayor Bautista, ina-assess nila ang sitwasyon ngayong araw sa muling pagbukas ng isla para sa domestic tourists.
Ang lahat ng mga accommodation establishments ay kailangang may Certificate of Authority to Operate mula sa Department of Tourism at Mayor’s Permit bago payagang makapag-operate at dapat na may pre-booking din ang mga turista.