Kapwa ipatutupad ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine Coast Guard (PCG) ang “no registration, no travel” policy laban sa mga hindi rehistradong private at public utility vehicles (PUVs).
Sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza II na ang pagpupulong sa mga opisyal ng PCG ay nagresulta sa pagsasapinal ng mga strategic plan para sa pagpapatupad ng patakaran.
Ang partisipasyon aniya ng PCG ay batay sa direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Aniya, nasa 30 porsiyento ng araw-araw na kita ng mga rehistradong PUV operator at driver ay ninanakaw o nakukuha ng mga colorum o hindi rehistradong PUV.
Mula Enero 1 mayroong 182,458 sasakyan ang nahuli bilang bahagi ng pinagsamang pagsisikap ng pamahalaan sa patakarang “no registration, no travel”.
Sa kabuuan, 48,714 ay four-wheeled vehicles habang 133,744 ay motorsiklo.
Sa parehong panahon, 1,966 na sasakyan ang na-impound na kung saan 1,735 na motorsiklo at 231 na four-wheeled na sasakyan.
Ang mahigpit na pagpapatupad ng patakaran, aniya, ay kinakailangan para mapilitan ang mga natitirang unregistered vehicles na sumunod sa annual vehicle registration requirement ng LTO.
Batay sa datos kasi ng LTO, nasa 24 milyong sasakyan sa buong bansa ang nag-expire na ang registration.