-- Advertisements --

Aabot sa mahigit 6,000 sasakyan ang nahuli ng Land Transportation Office sa unang labing limang araw sa buwan ng Hunyo kasabay ng pagpapaigting ng ahensya sa pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel Policy’ sa bansa.

Ayon kay Land Transportation Office Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza, patuloy ang kanilang isinasagawang operasyon upang magsilbi ring paalala sa mga motorista na iparehistro ng kanilang mga sasakyan.

Binalaan niya rin ang mga ito na maaari silang mamultahan at posibleng maimpound ang kanilang sasakyan kung sakaling mahuhuli sila.

Ayon sa datos ng ahensya, mula Hunyo 1-15, 2024 ay nasa 6,064 na raw ang kanilang nahuhuli, nasa 5,470 ang nabigyan nila ng violation tickets habang nasa 981 naman dito ang nahila o na-impound.

Sa ngayon, patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng LTO sa nasabing polisiya upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga nagmamaneho ng sasakyan at upang maiwasan ang anumang aberya sa kalsada.