Walang aasahan ang mga manggagawa sa May 1, Labor Day na iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagtataas sa sahod o salary increase.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III, wala sa kapangyarihan ni Pangulong Duterte na magtaas sa minimum wage ng mga manggagawa dahil mandato ito ng Kongreso.
Ayon kay Sec. Bello, ang mahalaga ay makalikha ng mga trabaho para sa mga kababayan sa bansa.
Kaugnay sa paggunita ng Araw ng Paggawa, nakatakdang pangungunahan ni Pangulong Duterte ang groundbreaking ng P400-million “state of the art hospital” para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa San Fernando, Pampanga sa May 1.
Inihayag ni Sec. Bello na itatayo ang nasabing ospital sa dalawang ektaryang lupaing donasyon ni Pampanga Gov. Lilia Pineda.
Ito na umano ang magiging pangunahing Labor Day activity at magandang balita ni Pangulong Duterte para sa mga manggagawa.