Isinapubliko na ng mga Olympic officials ang ilan sa mga ipatutupad na COVID-19 protocols para sa Tokyo Games sa darating na Hulyo.
Batay sa “playbook” na inilathala ng mga organizers ng Tokyo Olympics, International Olympic Committee, at ng International Paralympic Committee, hindi papayagan ang mga dadalo na kumanta at mag-chant sa mga gagawing events, at sa halip ay pumalakpak na lamang para ipakita ang suporta.
Obligado rin ang mga kalahok na magsuot ng face mask sa lahat ng oras maliban kapag kakain at matutulog.
Bawal ding sumakay sa pampublikong transportasyon ang mga international federation officials at staff nang walang pahintulot.
Kasama rin sa mga inisyal na panuntunan ang palagiang paghuhugas ng kamay at pag-disinfect sa hapag-kainan pagkatapos kumain.
Bagama’t aminado ang mga organizers na kakaiba ang Olimpiyada ngayong taon, muli nilang inihayag na mairaraos nila ang pagsasagawa ng pinakamalaking sporting event sa buong mundo.
“There will be a number of constraints and conditions that the participants will have to respect and follow, which will have an impact on their experience, particularly when it comes to the social aspect of what the Olympics experience can be,” wika ni Pierre Ducrey, director ng Olympic Games Operations sa IOC.
Kung maaalala, na-delay ng isang taon ang Summer Games dahil sa coronavirus pandemic noong 2020. (Reuters/ BBC)