-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa maipatutupad ang “no vaccination, no enrollment policy” sa school year 2019-2020.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Health Sec. Francisco Duque III, hindi pa sa susunod na pagsisimula ng klase ito maisasakatuparan.

Sa katunayan aniya ay posibleng matagalan pa ang panukala dahil ito ay patuloy pa ring pinag-aaralan.

Samantala, nilinaw naman ng kalihim na tanging ang measles vaccine lamang ang pinag-uusapan sa binabalangkas na polisiya.

Matatandaang nag-ugat ang naturang panukala kasunod na rin ng pagtaas ng kaso ng tigdas sa buong bansa kung saan sa panahuling tala ay nasa 13,723 ang kumpirmadong kaso simula noong Enero 1 at 215 dito ay nasawi.