Nakatakdang ipatupad ng Department of Transportation (DOTr) ang implementasyon ng ‘no vaccination, no ride’ policy para sa lahat ng mga pampublikong transportasyon sa buong Metro Manila habang nasa ilalim ito ng Alert Level 3.
Ayon sa inilabas na department order ng kagawaran, ang lahat ng mga kinauukulang ahensya at sectoral offices ng DOTr ay inaatasan na tiyakin na tanging mga fully vaccinated na mga indibidwal lamang na may maipapakitang physical o digital copies ng kanilang vaccination card, o kahit na anong IATF-prescribed document, na may valid government issued ID na may larawan at address ang papayagang makasakay o mabigyan ng ticket sa mga pampublikong sasakyan.
Nilinaw naman sa Section 3 ng nasabing department order na hindi kabilang ang mga indibidwal na hindi pa nababakunahan dahil sa kanilang mga commorbidities.
Kinakailangan lamang na makapagpakita ang mga ito ng duly-signed medical certificate na may pangalan at contact details ng kanilang physician.
Hindi rin kabilang sa naturang alituntunin ang mga indibidwal na bibili ng mga essential goods at services, tulad na lamang ng tubig, pagkain, gamot, medical devices, public utilities, energy, trabaho, at medical at dental necessities.
Maari lamang na makapagpakita ang mga ito ng duly-issued barangay health pass o iba pang maaaring maging patunay na maaaring bumyahe ang mga ito.
Mapapatawan naman ng karampatang kaparusahan ang sinumang lumabag sa nasabing department order at ituturing na paglabag ito sa general and safety health provisions alinsunod sa mag respective charters, authority, rules and regulations ng mga kinauukulang ahensya at sectoral offices ng Department of Transportation (DOTr).