CAUAYAN CITY- Nagpalabas ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng Executive Order kaugnay sa pagpapatupad ng private and public establishment ng “no vaccine no entry policy”
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Elizabeth Binag, Information Officer ng Prov’. Gov’t. ng Isabela na ang nilagdaang Executive Order No. 1, series of 2022 ng Gobernador ay layuning maprotektahan ang mga mamamayan sa banta ng Omicron Variant ng COVID-19.
Ang ipinalabas na Executive Order ay batay na rin sa ipinalabas na rekomendasyon ng Provincial Interagency Task Force
Layunin ng “no vaccine no entry policy” sa mga public at private establishments ay para mahikayat ang mga eligible individual na hindi pa nagpapabakuna na magpabakuna na .
Nakasaad din sa naturang EO na pagbabawalang lumabas ang mga wala pang bakuna na walang kadahilanan subalit ang mga mayroong medical condition ay maaaring ipakita ang kanilang medical certificate
Sa kabila na mataas na ang vaccination rate sa Isabela na umaabot na sa 85% ang fully vaccinated habang mahigit 85% na rin ang nakatanggap na ng first dose ay patuloy na hinihikayat ang ilang hindi pa nababakunahan na magpabakuna na .
Kapag pumasok anya sa mga public at private establishments ay ipapakita lamang ang vaccination ID o vaccination certificate.
Ang Isabela Police Provincial Office, DTI, DILG, Isabela Provincial Health Office, Provincial Public Safety Office at iba pang member-agencies ng Provincial COVID-19 Task Force, lahat ng City at Municipal Mayors sa pamamagitan ng kanilang Business Licensing Departments/Offices at local task forces ay susuriin at susubaybayan kung lahat ng pampubliko at pribadong establisyimento ay sumusunod sa naturang kautusan.