LEGAZPI CITY – Suportado ng Liga ng Transportasyon at mga Operator sa Pilipinas (LTOP) ang ipinatupad na ‘no vaccine, no labas policy’ sa National Capital Region at sa iba pang lugar na kasalukuyang nakasailalim sa Alert Level 3.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LTOP President Olando Marquez, malaking tulong ang naturang resolusyon hindi lamang sa mga drayber ng public utility vehicle (PUV) kundi maging sa mga pasahero.
Sinabi nito na mahalaga ngayon ang higit na pag-iingat, lalo pang patuloy ang pagtaas bawat araw ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Subalit mungkahi ni Marquez na dapat mayroong isang nakatalagang loading at unloading ng mga pasahero sa bawat barangay.
Ito ay upang mayroong magsusuri ng mga body temperature, sintomas at vaccination card ng mga pasahero.
Nilalayon rin nito na hindi na maatraso ang biyahe at mahirapan ang mga drayber na magisa-isa pa sa mga sasakay na pasahero.
Pagdidiin ni Marquez na itabi muna ang mga isyu sa umano’y nalalabag na karapatan dulot ng nasabing resolusyon, dahil kapakanan at kaligtasan ng bawat isa ang mahalaga sa gitna ng muling paglobo ng COVID-19 infections.