-- Advertisements --

Kaisa umano ang Metro Manila Council (MMC) sa naging pasya ng Pangulong Rodrigo Duterte na huwag na munang isailalim ang buong Pilipinas sa modified general community quarantine (MGCQ).

Una rito, sinabi ng Malacanang na hindi muna ilalagay ng Pangulong Duterte sa pinakamaluwag na quarantine restriction ang buong bansa hangga’t wala pang dumadating na bakuna laban sa COVID-19.

“As what we have always emphasized, the Metro Manila mayors would always defer to the wisdom and judgement of the President. We are one with him, and would exert all efforts and rally behind him in combating this COVID-19 pandemic,” saad ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa isang pahayag.

Noong nakalipas na linggo, inihayag ni Abalos na karamihan sa mga alkalde sa NCR ang pumabor sa pagpapaluwag ng lockdown protocols mula sa kasalukuyang general community quarantine (GCQ).

Ang MMC ay binubuo ng 17 alkalde ng Metro Manila, na siya ring policy-making body ng MMDA.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng bansa ang suplay nito ng COVID vaccine, na gawa ng mga pharmaceutical firms sa ibayong dagat.