Striktong ipatutupad ng pamunuan ng MRT-3 ang “no vaccination, no ride/no entry policy” sa buong rail line simula sa Lunes, ika-17 ng Enero 2022.
Ito ay batay sa Department Order ng Department of Transportation, upang maprotektahan ang kalusugan ng mga pasahero ng linya.
Tanging mga pasaherong fully vaccinated ang pahihintulutang makasakay ng tren, matapos makapagprisinta ng kanilang vaccination card at isang valid o government-issued ID sa security marshal sa istasyon.
Masasabing fully vaccinated ang isang pasahero laban sa COVID-19 dalawang linggo matapos niyang tumanggap ng kanyang ikalawang dose ng bakuna para sa 2-dose vaccine, o isang dose kung single-dose vaccine.
Ang no vaccination, no ride/no entry sa MRT-3 ay magtatagal hangga’t nasa Alert Level 3 pataas ang COVID-19 alert level status ng Metro Manila, batay sa department order.
Hindi kasama sa “no vaccination, no ride” policy ang mga sumusunod:
-Mga pasaherong may medical condition kung kaya’t hindi makapagpabakuna. Kailangang magpakita ng duly-signed medical certicate na may ngalan at detalye ng doktor sa security marshal.
-Mga taong kukuha o bibili ng essential goods tula ng pagkain, gamot, tubig, medical and dental necessities, public utilities, at iba pa. Kailangang magpakita ng nararapat na dokumentasyon o patunay sa security marshal.
Samantala, mahigpit pa ring ipinatutupad ang COVID-19 health and safety protocols sa buong linya, gaya ng pagbabawal kumain, uminom, makipag-usap sa telepono, at magsalita sa loob ng mga tren. Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield.